|
||||||||
|
||
Mula ika-22 hanggang ika-24 ng Oktubre, opisyal na dadalaw sa Tsina si Punong Ministro Manmohan Singh ng India. Ito ay isa pang mahalagang pagpapalitan ng Tsina at India sa mataas na antas pagkaraan ng pagdalaw sa India ni Premyer Li Keqiang ng Tsina noong nagdaang Mayo.
Ipinalalagay ni Professor Srikanth Kondapalli, Direktor ng Centre for East Asian Studies ng School of International Studies ng Jawaharlal Nehru University ng India, na may mahalagang historikal at realistikong katuturan ang gaganaping pagdalaw ni Singh. Sa panahon ng naturang pagdalaw, makikipagtagpo kay Singh si Pangulong Xi Jinping ng Tsina. Ito ay makakatulong sa pagpapahigpit ng pag-uunawaan ng dalawang bansa.
Kaugnay ng pangunahing paksang tatalakayin ng panig Tsino't Indiano sa panahon ng naturang pagdalaw, ipinalalagay ni Professor Kondapalli na ang pokus ay ilalagay sa mga aspektong gaya ng kabuhayan, kalakalan at hanggahan. Aniya, patuloy na ipopokus ng gaganaping pagdalaw ni Singh ang isyu ng pamumuhunan at kooperasyong pangkabuhaya't pangkalakalan na kapuwa nila pinahahalagahan, at may pag-asang malagdaan ang isang serye ng mga bagong kasunduan.
Tungkol naman sa plano ng India na pagtatatag ng "Industrial Park ng Tsina", ipinahayag ni Kondapalli na may pag-asang matamo ng kapuwa panig ang substansiyal na progreso sa aspektong ito. Aniya, napakalaki ng prospek ng pamumuhunan sa India. Ang pagpapalawak ng Tsina ng pagluluwas at pamumuhunan sa India ay makakabuti sa pagresolba sa isyu ng di-balanseng kalakalan sa pagitan ng dalawang bansa.
Ayon sa ulat ng Indian media, sa panahon ng pagdalaw ni Singh, posibleng lumagda ang Tsina at India sa bagong kasunduan sa isyung panghanggahan. Kaugnay nito, sinabi ni Professor Kondapalli na kung malalagdaan ang ganitong kasunduan, madaragdagan ang mga hakbangin ng pagtitiwalaan sa rehiyon ng linya ng aktuwal na kontrol sa purok-hanggahan ng Tsina at India.
Ani Kondapalli, bilang dalawang pinakamalaking umuunlad na bansa sa daigdig, nagpapatingkad ang Tsina at India ng mahalagang papel sa komunidad ng daigdig. Nitong nakalipas na ilang taon, nananatiling mainam ang pag-unlad ng kani-kanilang kabuhayan at edukasyon. Ang kooperasyong Sino-Indiano ay makakaapekto sa bagong kaayusang pandaigdig.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |