|
||||||||
|
||
TINANGGAP ng Embahada ng Pilipinas sa Kuala Lumpur ang donasyon ng World Children Fund na nagkakahalaga ng R 100,000 o P 1.4 milyon para sa mga batang apektado ng lindol sa Kabisayaan, partikular sa Bohol at Cebu.
Ipinaabot ni Datin Paduka Seri Rasmah Mansor, maybahay ni Malaysian Prime Minister Datul Seri Najib Tun Razak ang donasyon kay Philippine Ambassador to Malaysia, J. Eduardo Malaya sa seremonyas na idinaos sa Seri Perdana, ang opisyal na tahanan ng Malaysian Prime Minister.
Ipinarating naman ni Ambassador Malaya ang pasasalamat sa ngalan ng Philippine Red Cross at sa mga mamamayan na tumulong upang malikom ang salapi. Nagpapakita lamang ito ng mainit na pagkakabigan ng dalawang bansa, dagdag pa ni Ambassador Malaya.
Sa ilalim ng panangasiwa ni Datin Rosmah, itinatag ang World Children's Welfare Fund upang tumulong sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga kabataan sa gitna ng mga kalamidad, digmaan at mga sagupaan.
Samantala, nagpaabot din ng pakikiramay ang Japan sa Pilipinas. Sa mensaheng ipinadala ni Japanese Ambassador Toshinao Urabe, ipinarating ng pamahalaan ng Japan ang pakikiisa sa mga Pilipinong malubhang napinsala ng lindol noong Martes.
Nakikiramay ang mga Japon sa pinsala, pagkamatay at pagkakasugat ng mga biktima mula sa Bohol, Cebu at mga kalapit lalawigan. Kasabay umano ng mga Pilipino ang mga Hapones sa pananalangin na maibsan ang pagdadalamhati at pangungulila matapos ang napakalakas na lindol noong Martes.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |