Nagpalabas kahapon ng artikulo ang pahayagang Le Monde ng Pransya, na nagsasabing ayon sa dokumentong ibinunyag ni Edward Snowden, whistleblower ng mga surveillance program ng Amerika, mula Pebrero, 2012 hanggang Enero ng taong ito, kinuha ng National Security Agency ng Amerika ang rekord ng mahigit 70 milyong tawag sa telepono ng mga mamamayang Pranses. Anito pa, ang mga taong ipinasailalim sa pagmomonitor na ito ay hindi lamang mga taong pinaghihinalaang may kinalaman sa terorismo, kundi mga tauhan din ng sirkulong pulitikal at komersyal. Nakakatawag ang ulat na ito ng matinding reaksyon sa Pransya.
Sa kanyang pakikipag-usap kahapon sa telepono kay Pangulong Barack Obama, kinondena ni Pangulong Francois Hollande ng Pransya, ang naturang aksyon ng Amerika. Binigyang-diin niyang dapat ipasailalim sa takdang norma at limitasyon ang pangongolekta ng impormasyon ng Amerika.
Ipinatawag din ng Ministring Panlabas ng Pransya ang embahador ng Amerika kaugnay ng isyung ito.
Nang araw ring iyon, sa panahon ng kanyang pagdalaw sa Pransya, ipinahayag naman ni John Kerry, Kalihim ng Estado ng Amerika, na magsasagawa ng diyalogo ang dalawang bansa hinggil sa insidenteng ito.
Salin: Liu Kai