|
||||||||
|
||
Sa ngalan ng pamahalaang Tsino, iniabot kahapon sa Phnom Penh, ni Bu Jianguo, Embahador na Tsino sa Kambodya, ang 1 milyong dolyares na pondo kay Hun Sen, Punong Ministro ng Kambodya bilang tulong sa pamahalaan at mga mamamayang Kambodyano sa kanilang rekonstruksyon pagkaraan ng baha.
Sa ngalan ng pamahalaang Tsino, nagpahayag si Bu ng taos-pusong pakikiramay sa malaking kapinsalaang dinulot ng baha sa bansa at mga mamamayan ng Kambodya at nananalig aniya siyang sa pamumuno ni Hun Sen, mapapagtagumpayan ng mga nasalantang mamamayan ang kasalukuyang kahirapan, muling maitatayo ang kanilang mga bahay at mapapanumbalik ang kanilang normal na pamumuhay.
Ipinahayag naman ni Hun Sen na labis na pinasasalamatan nila ang tulong na ibinibigay ng pamahalaan at mga mamamayang Tsino tuwing malalagay sa mahirap na kalagayan ang pamahalaan at mga mamamayang Kambodyano. Ang lahat ng pondo ay gagamitin sa pagbili ng mga pagkain na kinakailangan sa nasalantang lugar.
Ang bahang naganap sa rehiyon ng Mekong River sa loob ng Kambodya noong Setyembre ay ikinamatay ng 168 katao at nakaapekto sa mahigit 1.8 milyon. lampas sa 1 bilyong dolyares ang direktang kapinsalaang pinansyal.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |