|
||||||||
|
||
Ipininid kahapon sa Beijing ang Ika-3 Sesyong Plenaryo ng ika-18 Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC). Naaprobahan sa sesyon ang kapasiyahan hinggil sa malalaking isyung may kinalaman sa pagpapalalim ng reporma. Ayon dito, ang pamilihan ay gaganap ng di-mapag-aalinlanganang papel sa pag-unlad ng kabuhayang Tsino sa hinaharap. Kabilang sa nasabing kapasiyahan ang pangkalahatang layunin, pokus, pagsasa-ayos, at iba pang larangan ng komprehensibong pagpapalalim ng reporma.
Tungkol dito, ipinahayag ni Chi Fulin, Puno ng China Institute for Reform and Development:
"Ang kapasiyahan ay pangkalahatang disenyo tungkol sa komprehensibong pagpapalalim ng reporma ng Tsina bago sumapit ang taong 2020. Iniharap nito ang timetable, roadmap, at 6 na pangunahing tungkulin ng reporma."
Maliwanag na nakalahad sa kapasiyahan na ang pagbabago sa sistemang pangkabuhayan ay pokus ng nasabing reporma, at ang nukleong isyu ay mabuting pagsasa-ayos ng relasyon ng pamahalaan at pamilihan, at pagbibigay ng di-mapag-aalinlanganang papel sa pamilihan tungo sa pag-unlad ng bansa.
Ani Chi, ito ay naglalayong pasulungin ang papel ng pamilihan sa kabuhayan, at unti-unting baguhin ang paraan ng paghawak ng pamilihan.
Kauna-unahang pagkakataong iniharap sa kapasiyahan na pasulungin ang modernisasyon ng sistema at kakayahan ng pamamahala ng Gobyernong Tsino. Tungkol dito, ipinahayag ni Yan Jirong, Propesor ng Peking University, na ang dating paraan ng pamamahala ng gobyerno ay nakasentro sa pagsuperbisa at pagkontrol. Sa hinaharap, aniya, ito ay nakasentro sa pagtutulungan ng pamahalaan, at mga organisasyong di-pampamahalaan sa pamamahala ng lipunan.
Salin: Andrea
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |