Ipinahayag kahapon ni Pangalawang Punong Ministro Pracha Promnok ng Thailand, na nakahanda ang pamahalaan na makipagtalastasan sa lider ng kasalukuyang protesta na si Suthep Thaugsuban at lider ng partidong oposisyon na si Abhisit Vejjajiva. Ito aniya ay para mabigyang-wakas ang isinasagawang demonstrasyon laban sa pamahalaan.
Sinabi ni Pracha na bineto na ng mataas na kapulungan ang Amnesty Bill, at nalutas din sa pandaigdig na hukuman ang hidwaan ng Thailand at Kambodya hinggil sa Preah Vihear Temple, kaya, wala na aniyang dahilan para ipagpatuloy pa ang kasalukuyang protesta, at dapat bumalik sa hapag ng talastasan ang iba't ibang panig na may pagkakaiba sa mga isyung pulitikal.
Samantala, pumasok kahapon sa ika-16 na araw ang demonstrasyon sa pamumuno ni Suthep at ng partidong oposisyon na isinasagawa sa Bangkok. Idineploy na ng panig pulisya ng Bangkok ang mahigit siyam na libong pulis bilang tugon.
Salin: Liu Kai