|
||||||||
|
||
Ang bilang na ito ay kakaiba sa balitang inilabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Center na nagsabing 3,621 katao ang nasawi samantalang 3,853 ang nasugatan at mayroong 77 kataong nawawala.
Sa follow-up report, sinabi ng isang tauhan ng NDRRMC na mula sa Kagawaran ng Kalusugan ang kanilang datos ng mga nasawi. Wala naman siya sa posisyong magpahayag ng pananaw tungkol sa balitang mula sa United Nations.
Ibinalita rin ng NDRRMC na mayroong 1,962,898 na pamilya o 9,073,804 ang apektado mula sa 9,303 barangay sa 44 na lalawigan, 536 na munisipyo at 55 lungsod sa siyam na rehiyon, ibinalita naman ng OCHA na 11.8 milyon ang apektado ni "Yolanda," ayon umano sa Department of Social Welfare and Development.
Ibinalita ng NDRRMC na may 1,487,040 katao ang nawalan ng tahanan samantalang nabatid mula sa United Nations na walang matitirhan ang 921,200 katao.
Taliwas din ang balita ng NDRRMC na nagsabing mayroong 253,049 na tahanan ang apektado at batay sa report ng OCHA, may 243,600 tahanan ang totally at partially-damaged.
Naibalita ng OCHA ang kanilang pangambang hindi magtatagal ay mauubos na ang krudong kailangan ng mga trak na magdadala ng mga relief goods sa mga biktima.
Bagama't mayroong tatlong logistical hubs sa Guiuan, Eastern Samar, sa Tacloban at Ormoc Cities sa Leyte, ang kakulangan ng mga trak at mga hindi magamit na mga lansangan ang nagdudulot ng problema sa kanilang mga gawain.
Nagsamasama ang mga kinatawan ng iba't ibang pananampalataya sa National Council of Churches in the Philippines sa pagkakarga ng mga relief goods sa truck na dadalhin sa Samar at Leyte provinces. (Larawan ni Ofelia Cantor)
Ang palatuntunan ng United Nations para sa mga biktima ng bagyong "Yolanda" na nangangailangan ng US $ 301 ay mayroon ng 19% pondo na nagkakahalaga ng US $ 58 milyon.
Inalis sa kanyang puesto si Chief Supt. Elmer Soria matapos pagsabihan ng kanyang immediate superior na si Director General Allan Purisima tungkol sa maagang pagtataya ng bilang ng mga nasawi.
Magugunitang nakiusap si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa mga mamamahayag na umasa sa datos ng pamahalaan sa halip na makadagdag sa pangamba ng mga problemadong biktima ng bagyong "Yolanda."
Sa nakalipas na panayam, nabanggit ni Pangulong Aquino na malamang ay 2,500 ang mga nasawi sa trahedya.
Samantala, itinuwid ng National Disaster Risk Reduction and Management Center ang balitang mula sa United Nations Office for Coordination of Humanitarian Affairs.
Nagpasahan ang mga madre, narses at mga Protestante at Katolikong volunteer sa pagdadala ng mga relief goods para sa mga nasalanta ni "Yolanda" noong nakalipas na linggo. (ACT/Sandra Cox)
Unang ibinalita ng OCHA na 4,460 na ang nasawi sa trahedya. Mali umano ang datos na natanggap ng OCHA.
Sinabi ni Executive Director Eduardo del Rosario na 3,621 ang bilang ng mga nasawi at 1,140 naman ang nawawala.
Sa panayam ng mga mamamahayag, sinabi ni Del Rosario na pinagbawalan na niya ang lahat ng mga ahensya na huwag maglalabas o tatalakay ng kanilang sariling opinyon.
Matagal ng tinutuligsa ang NDRRMC na pinamumunuan ni Del Rosario sa matumal na paghahatid ng relief goods sa libu-libong biktima ni "Yolanda." Sa pinakahuling datos, nalampasan na ang inakalang bilang ni Pangulong Aquino na 2,500.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |