Ipinahayag kamakailan ni James Hsiung, Professor of Politics ng New York University, na ang Cairo Declaration na nilagdaan ng Tsina, Amerika, at Britanya ay isa sa mga katibayan at batayan na ang Diaoyu Islands ay pag-aari ng Tsina.
Sinabi ni Hsiung, na batay sa Cairo Declaration, dapat ibalik ng Hapon ang lahat ng isla at lupa na sinakop nito. Kabilang dito ang Liuqiu Islands, Taiwan Island, Penghu Islands, at Diaoyu Islands. Aniya pa, inulit din ang kahilingang ito sa mga pandaigdig na kasunduan na gaya ng Postdam Proclamation at San Francisco Treaty of Peace with Japan.
Ayon kay Hsiung, noong 1972, dahil tinanggihan ng Amerika ang pagkilala sa People's Republic of China, inilipat nito sa Hapon ang Liuqiu Islands at Diaoyu Islands, sa pamamagitan ng umano'y "pagbabalik." Pero sa katotohanan, ang dalawang lugar na ito ay sinakop ng Hapon, at batay sa nabanggit na tatlong kasunduan, hindi dapat ibalik ang mga ito sa Hapon at hindi dapat bawiin ng Hapon ang mga ito. Kaya, ani Hsiung, kapwa mali ang paglilipat ng Amerika ng naturang dalawang isla sa Hapon, at pagtanggap ng Hapon sa mga ito. Dagdag niya, ang ginawa ng dalawang bansang ito ay labag sa naturang tatlong kasunduan, bilang bahagi ng pandaigdig na batas.
Salin: Liu Kai