Idaraos mula bukas hanggang samakalawa sa Beijing ang Ika-24 na Pulong ng Magkasanib na Komisyon sa Komersyo at Kalakalan ng Tsina at Amerika.
Kaugnay nito, ipinahayag kahapon ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina, na sa pulong na ito, umaasa ang panig Tsino na paluluwagin ng Amerika ang restriksyon sa pagluluwas ng mga produktong high-tech sa Tsina. Imumungkahi rin nitong pantay-pantay na pakikitunguhan ang pamumuhunan ng mga bahay-kalakal na Tsino sa Amerika, at palalakasin ang kooperasyon ng dalawang bansa sa pangangalaga sa karapatan sa pagmamay-ari ng likhang-isip o IPR. Ani Hua, ito ay para mapalawak ang pundasyon ng mga komong interes ng dalawang bansa.
Salin: Liu Kai