|
||||||||
|
||
HIGIT sa P 571.1 bilyon o US$ 12.9 bilyon ang pinsalang idinulot ni "Yolanda" mula ng hagupitin ang iba't ibang bahagi ng bansa noong ika-walong araw ng Nobyembre.
Sa halagang ito, may P 424.3 bilyon ang pinsala at nawala sa physical assets samantalang ang nalalabing P 146.5 bilyon ay kumakatawan sa kabawasan sa produksyon, benta at kita hanggang ngayon at sa susunod na madaling panahon.
Ayon kay Socio-Economic Planning Secretary Arsenio M. Balisacan, sa kanyang briefing na ibingay sa mga kinatawan ng international community, ang pribadong sektor ang nagtamo ng malubhang pinsala sapagkat umabot ito sa 90%. Ang pamahalaan ay nagkaroon lamang ng 10% pinsala.
Kung mga lansangan ang pag-uusapan, 42% o 6,728 kilometro mula sa 16,056 na kilometrong lansangan sa buong bansa ang napinsala. Kahit pa napinsala ang mga lansangang ito ay natuon lamang sa mga basira't duming idinulot ng bagyo at mga natumbang poste ng kuryente na humarang sa mga pagawaing bayan. Mayroon ding walong tulay ang apektado.
Sa larangan ng sakahan, mayroong 600,000 ektarya ng mga bukirin ang apektado at may 1.1 milyong metriko tonelada ng mga pananim ng nawala. May 80% sa pinsalang ito ang mula sa Region VIII o Eastern Visayas.
Apektado ang palay (16% ng buong sakahang natatamnan) sa Western, Central at Eastern Visayas at ang niyog na nagkaroon ng 73% pinsala. Umabot ang niyugang nasira sa lawak na 441,517 ektarya. Sa lawak na ito, may 161,400 ektarya ang 'di na mapakikinabangan pa. Napinsala rin ang ilang bahagi ng paghahayupan, kagamitang pangsakahan at mga sasakyang pangisda.
Anim na ulit tumama sa lupa ang bagyong "Yolanda" noong nakalipas na ika-walo ng Nobyembre at umabot sa 12,122 mga barangay mula sa 44 na lalawigan, 591 bayan at 57 lungsod.
Ani Kalihim Arsenio Balisacan, kinilala ng pamahalaan ang 171 bayan sa 14 na lalawigan at apat na rehiyon na higit na nangangailangan ng tulong dahilan sa tindi ng pinsalang tinamo.
Tinataya ng pamahalaan na 12.2 milyon katao na mayroong 2.6 milyong pamilya ang apektado ng bagyo. Higit sa 90 porsiyento ay mula sa Silangan, Gitna at Kanlurang Kabisayaan. May 4.4 milyon katao o 930,000 pamilya ang kinailangang manirahan sa may 1,500 evacuation centers hanggang noong ika-20 ng Nobyembre. Higit na lamang sa apat na milyong katao ang apektado noong ika-12 ng Disyembre o may 869,742 pamilya at may 21,669 na pamilya ang naninirahan sa may 384 na evacuation centers.
Karaniwang lumiliit ang mga ekonomiya sa mga apektadong rehiyon smantalang tataas naman ang bilang ng unemployed tulad rin ng pagtaas ng presyo ng bilihin. Ang pinaka-apektadong pook ang kakikitaan ng pagtaas ng bilang ng mahihirap.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |