Isang malawakang demonstrasyon ang muling isinagawa kahapon ng oposisyon ng Thailand upang patuloy na patawan ng presyur ang care-taker cabinet, at hilingin kay Care-taker Prime Minister Yingluck Shinawatra na magbitiw sa tungkulin. Ayon pa sa ulat, hangad din ng naturang demonstrasyon na ipagpaliban ang pambansang halalan na nakatakdang idaos sa Pebrero 2014. Sa kabilang dako, binigyan-diin ng Lupong Elektoral ng Thailand na hindi ipagpapaliban ang pagpaparehistro sa nasabing halalan na nakatakdang simulan ngayong araw.
Nauna rito, halos 2 buwan ang itinagal ng demonstrasyong isinagawa ng mga Thai. Bilang tugon sa kahilingan ng mga demonstrador, binuwag ni Yingluck Shinawatra ang parliamento at ipinalabas ang petsa ng bagong halalan. Ngunit, hindi ito tinanggap ng mga demonstrador. Samantala, mas maraming tao sa iba't ibang larangan ng lipunan ang nananawagang isagawa ang reporma.
Salin: Andrea