|
||||||||
|
||
Sa bisperas ng Bagong Taon 2014, nagpahayag si Pangulong Xi Jinping ng Tsina ng mensaheng pang-Bagong Taon sa pamamagitan ng China Radio International (CRI), China National Radio (CNR) at China Central Television (CCTV). Ipinaabot ng pangulong Tsino sa sambayanang Tsino; mga kababayang Tsino sa Hong Kong, Macau at Taiwan; mga Tsino sa ibayong dagat; at mga kaibigan sa buong daigdig ang kanyang hangaring naway manatili silang maligaya at malusog. Narito po ang buong teksto ng pagbating pang-Bagong Taon ni Pangulong Xi:
xijinping2014.m4a
|
Ladies and Gentlemen, Comrades and Friends: (Mga binibini, ginoo, komrad, kaibigan)
Salubungin natin ang taong 2014 nang lipos ng pag-asa.
Ang pagsisimula ng isang taon ay sumasagisag sa pagbabago sa iba't ibang larangan. Umaasa akong makakaabot ang aking bating pang-Bagong Taon sa mga mamamayan ng lahat ng mga grupong etniko ng Tsina, mga kababayan sa Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Hong Kong (HKSAR) at Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Macau (MacauSAR), mga kababayan sa Taiwan, at mga Tsino sa ibayong dagat, at mga kaibigan mula sa iba't ibang bansa at rehiyon ng daigdig.
Hangad ko ang mabuting kalusugan para sa mga katandaan! Hangad ko ang lubos na kaligayahan para sa mga bata! Hangad ko ang lubos na kasayahan at kapayapaan para sa bawat pamilya!
Sa panahon ng pamamaalam sa lumang taon at pagsalubong sa bago, di-mabibilang na mga manggagawa, magsasaka, intelektuwal, at puno ang nakatalaga pa rin sa kani-kanilang puwesto; maraming kababayan pa rin ang nagpaparoo't parito sa apat na sulok ng daigdig para makapag-ambag para sa inang-bayan, maraming sundalo ng People's Liberation Army (PLA), miyembro ng armadong pulisya, at mga pulis ng seguridad na pampubliko ang nagsasagawa ngayon ng kani-kanilang dakilang misyon.
Marami sa kanila ang malayo sa inang-bayan at pamilya, at mayroon din sa kanilang hindi makakauwi para makasama ang pamilya.
Sa ngalan ng inang-bayan at sambayanan, nagpapahayag ako ng taos-pusong pangungumusta sa kanila. Ipinaaabot ko sa kanila ang aking hangarin na naway manatili silang mamuhay nang mapayapa at maayos!
Ang taong 2013 ay isang di-karaniwang taon para sa Tsina at mga mamamayan nito. Napagtagumpayan natin ang iba't ibang kahirapan at hamon, at natamo ang bago at kapansin-pansing tagumpay.
Hindi madaling natamo ang tagumpay, at gumawa ang lahat ng malaking pagsisikap para rito. Ipinapahayag ko ang aking taos pusong pasasalamat sa bawat mamamayan.
Noong isang taon, itinakda ng Tsina ang pangkalahatang plano hinggil sa komprehensibong pagpapalalim ng reporma ng bansa, at iginuhit ang dakilang blueprint para sa pag-unlad sa hinaharap.
Sa bagong taong 2014, magsasagawa tayo ng mga bagong hakbangin sa landas ng reporma.
Ang saligang layunin ng reporma ng Tsina ay pagpapalakas pa ng bansa, pagpapasulong pa ng pagkakapantay-pantay at katarungan ng lipunan, at pagpapabuti pa ng pamumuhay ng mga mamamayan.
Ang reporma ay dakilang usaping nangangailangan ng magkakasamang pagpupunyagi at pagsisikap ng lahat ng mga mamamayan.
"Walang tiyaga, walang nilaga." Sapul nang isagawa ang reporma at pagbubukas sa labas, natamo na ng mga mamamayang Tsino ang napakaraming tagumpay. Nananalig akong makakalikha pa rin tayo ng mga bagong tagumpay.
Sa malaking kalawakan, nagkakaroon tayo ng iisang tahanan.
Namumuhay sa planetang ito ang mahigit pitong bilyong tao. Nagkakasama-sama tayo, nagtutulungan, at naghahanap ng komong pag-unlad.
Hinahangad ngayon ng mga mamamayang Tsino ang Chinese Dream na isakatuparan ang dakilang pag-ahon ng nasyong Tsino. Sana'y maisasakatuparan ng mga mamamayan ng iba't ibang bansa ang kani-kanilang pangarap.
Taos-puso akong umaasang habang hinahangad ng mga mamamayan ng iba't ibang bansa ang kani-kanilang pangarap, maguunawaan at matutulungan ang isa't isa, para ang planetang mundo ay maging magandang tahanan para sa ating lahat.
Lipos ng pag-asa sa buhay, ang tagumpay ay kabilang sa mga taong walang humpay na magpupunyagi at magsisikap.
Sa ating landas tungo sa pag-unlad, kahaharapin pa rin natin ang iba't ibang panganib at hamon. Marami pa ang dapat gawin natin para maging mas maligaya ang ating pamumuhay.
Patuloy tayong magsisikap, para magbukas ng bagong kabanata ng pag-unlad ng sariling inangbayan.
Salamat sa inyong lahat!
Mga giliw na tagasubaybay, iyan ang kabuuan ng mensaheng pambagong taon na binigkas ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa pamamagitan ng China Radio International, China National Radio, at China Central Television. Salamat sa inyo, at manigong bagong taon sa inyong lahat!
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |