Kaugnay ng pagbibigay-galang kamakailan ng mga mataas na opisyal ng Hapon sa Yasukuni Shrine, ipinahayag kahapon ni Marie Harf, Tagapagsalita ng Kagawaran ng Estado ng Amerika, na hinihimok ng kanyang bansa ang Hapon na makipagtulungan sa mga kapitbansa, at lutasin ang kanilang pagkabahala sa isyung pangkasaysayan, sa pamamagitan ng diyalogo at mapagkaibigang paraan.
Dagdag pa ni Harf, ipinalalagay ng panig Amerikano na ang pagkakaroon ng mga bansa sa Hilagang-silangang Asya ng malakas at konstruktibong relasyon ay makakabuti sa kapayapaan at katatagan ng rehiyong ito, at angkop din sa interes ng mga bansang ito. Ito rin aniya ay angkop sa interes ng Amerika.
Salin: Liu Kai