Pagkaraang dumating kamakalawa sa Jerusalem para pasimulan ang isa pang biyahe ng medyasyon sa pagitan ng Israel at Palestina, nagpalabas ng pahayag si John Kerry, Kalihim ng Estado ng Amerika, na nagsasabing kung magkasamang magsisikap ang dalawang bansang ito, magkakaroon ng posibilidad na isakatuparan ang kapayapaan.
Ipinahayag ni Kerry na sa darating na ilang araw, makikipag-usap siya sa mga lider ng Israel at Palestina, para mapaliit ang kanilang pagkakaiba tungkol sa isang balangkas na kasunduan ng talastasang pangkapayapaan.
Pero nang araw ring iyon, ipinahayag ng Komite Sentral ng Palestinian National Liberation Movement o Fatah na walang posibilidad na tatanggapin ng panig Palestino ang balangkas na kasunduan na iniharap ni Kerry.
Ayon sa pagsisiwalat, sa balangkas na kasunduan ni Kerry, may nilalaman hinggil sa pagpapanatili ng lakas militar ng Israel sa loob ng Estado ng Palestina. Ito ay itinuturing ng Palestina na malaking pagkiling sa Israel, kaya ayaw nilang tanggapin ang balangkas na kasunduang ito.