Sa kanyang pakikipagtagpo kahapon sa Beijing kay Marcia McNutt, Editor-in-Chief ng magasing Science ng Amerika, ipinahayag ni Premyer Li Keqiang ng Tsina, na mahalaga ang pag-unlad ng siyensiya at teknolohiya para sa pagpapataas ng antas ng kabuhayang Tsino. Aniya, ibayo pang patitingkarin ng Tsina ang papel ng inobasyong pansiyensiya at panteknolohiya sa pagpapasulong at pagkatig sa kaunlaran ng kabuhayan at lipunan.
Tinukoy ni Li na nitong nakaraang taon, naisakatuparan ng Tsina ang matatag na pag-unlad ng kabuhayan sa harap ng maraming kahirapan at hamon, at mahalaga ang positibong papel ng inobasyong pansiyensiya at panteknolohiya para rito. Dagdag pa ni Li, sa susunod, babaguhin ng Tsina ang mga sistema at mekanismo, para maging nukleo ng inobasyon ang creativity o pagkamalikhain ng tao.
Salin: Liu Kai