DUMATING kanina si dating First Lady at ngayo'y Ilocos Norte Congresswoman Imelda Romualdez Marcos sa Veterans Memorial Medical Center upang dalawin si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Na sa ilalim ng hospital arrest si Ginang Arroyo dahilan sa kasong plunder. Ayon sa dating first lady, hindi pa naman napapatunayang nagkasala ang dating pangulo subalit hindi pinapayagang magpiyansa.
Hindi na umano makatao ang pagtrato ng administrasyong Aquino sa dating pangulo. Naalala ni Gng. Marcos na pinagbigyan ng dating Pangulong Ferdinand Marcos ang kahilingan ni dating Senador Benigno S. Aquino Jr. na magtungo sa America upang magpagamot kahit pa napatunayang nagkasala ng sedition.