Ayon sa ulat na ipinalabas ngayong araw sa official website ng Malacanang, nang kapanayamin kamakailan ng New York Times ng Amerika, inulit ni Pangulong Benigno Aquino III na hindi hihingi ng paumanhin ang Pilipinas kaugnay ng 2010 Manila Hostage Incident.
Ito ang kauna-unahang bukas na reaksyon ni Aquino tugon sa pinakahuling kahilingan ng panig ng Hong Kong kaugnay ng naturang insidente. Sa panayam na ito, sinabi ni Aquino na wala siyang planong humingi ng paumanhin, dahil aniya ito ay posibleng magdulot ng responsibilidad sa batas.
Sa isang may kinalamang ulat, sinabi kamakailan ni Herminio Coloma, Kalihim ng Presidential Communications Operations Office, na hindi magsasagawa ang Pilipinas ng hakbangin bilang paghihiganti sa pagsuspinde ng Hong Kong ng visa-free access sa Pilipinas.
Ipinalalagay ni Coloma na kung maghihiganti ang Pilipinas sa Hong Kong, lalo lamang itong magpapalala sa maigting na relasyon ng dalawang panig. Ipinahayag din niyang sa pagsasaalang-alang sa mga overseas Filipino workers sa Hong Kong, gagawa ang pamahalaang Pilipino ng pinakamalaking pagsisikap, para makita ang isang solusyong katanggap-tanggap sa kapwa panig at magbibigay-wakas sa isyu ng Manila Hostage-taking.