|
||||||||
|
||
MALAKI ang posibilidad na magtagumpay ang mga paglilitis sa mga akusado ng pang-aabuso sa mga bata sa pagkakaroon ng "testimonial aids" tulad ng mga manika sa mga hukuman.
Ayon kay Atty. Carmelita Andal Castro, Managing Director ng Consuelo Foundation, nagsimula na ang kanilang pakikipagtulungan sa mga hukuman sa pamamagitan ng kanilang pagkakaloob ng mga "anatomically-correct dolls".
Sa isang panayam, sinabi ni Atty. Castro na ang kanilang pakikipagtulungan sa hukuman ay sa pamamagitan ng Philippine Judicial Academy at Korte Suprema. Napuna nila sa kanilang foundation na karamihan ng mga usaping may kinalaman sa pang-aabuso ng mga kabataan ay hindi nagtatagumpay sapagkat nahihirapan ang mga biktimang maglarawan ng kanilang karanasan sa hukuman, sa harap ng hukom, ng mga kawani ng korte, ng akusado at maging mga karaniwang tao.
Napuna ng mga alagad ng batas, taga-usig, mga kasapi ng non-government organizations na hirapan ang mga biktimang maglahad ng kanilang karansan. Idinagdag pa ni Atty. Castro na kahit ang mga nasa tamang edad na ay hirapan pang magpahayag sa oras na maharap sa hukuman, lalong hirap ang mga menor de edad.
Idinagdag pa ni Atty. Castro na itinatadhana sa Rules of Court na maaaring gumamit ng "testimonial aids" ang mga biktima upang magtapos ng maayos ang pag-uusig. Nagkataon nga lamang na walang mga kagamitang tulad nito.
Sapagkat ang Consuelo Foundation ay mayroong palatuntunang pinamagatang "Child Abuse Intervention/Prevention Network," sa pamamagitan ng mga manikang ito, mailalarawan at maituturo ng isang biktima kung paano sila nilabag.
Ikinalulungkot ni Atty. Castro na karamihan sa mga ipinagsusumbong ng pang-aabuso ay nananatiling hindi naparurusahan sapagkat hindi nagtatagumpay ang mga nasa pag-uusig sa kakulangan ng lakas ng loob ng biktima na makumbinse ang hukom na nagkaroon ng paglabag sa batas.
Magkakaroon pa rin ng pakikipagtulungan ang Consuelo Foundation sa Philippine National Police at maging sa mga taga-usig mula sa Kagawaran ng Katarungan.
Layunin nila sa Consuelo Foundation na maging "child-friendly" ang mga hukuman at ng mabatid ang mga katotohanan sa likod ng mga sumbong ng pang-aabuso.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |