Hinimok kahapon ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina ang Pamahalaang Hapones na tumalima sa kasunduan ng di-pagpapalaganap ng mga sandatang nuklear. Hiniling din niya sa Hapon na lutasin ang pagkawalang balanse sa pagitan ng suplay at pangangailangan nito sa mga materyal-nuklear.
Ipinahayag niyang ang pagkakaroon ng Hapon ng mga materyal-nuklear na kinabibilangan ng weapons-grade material ay nagsisilbing potensyal na panganib sa seguridad-nuklear ng rehiyon at ng daigdig. Hindi rin ito aniya angkop sa pagkakakilanlan ng Hapon bilang bansang signataryo ng Treaty on the Nonproliferation of Nuclear Weapons at miyembro ng International Atomic Energy Agency.
Salin: Jade