Nilagdaan kahapon ni Pangulong Vladimir Putin ng Rusya ang batas hinggil sa annexation ng Republic of Crimea at lunsod ng Sevastopol sa Rusya. Nauna rito, pinagtibay na ng mababa at mataas na kapulungan ng Rusya ang naturang batas. Sa gayon, natapos ang lahat ng mga legal procedures hinggil sa pagsapi ng dalawang lugar na ito sa Rusya, at pormal na naitatag ang Crimean Federal District ng Rusya.
Sa isang may kinalamang ulat, sa panahon ng kanyang pagdalaw sa Ukraine, sinabi kahapon sa Kiev ni Pangkalahatang Kalihim Ban Ki-moon ng UN, na dapat mapayapang lutasin ang krisis sa pagitan ng Ukraine at Rusya na dinulot ng isyu ng Crimea. Aniya, dapat isagawa ng dalawang bansang ito ang tumpak at konstruktibong diyalogo hinggil sa isyung ito.
Samantala, ipinahayag naman ni Alexandr Turchynov, Ispiker ng Parliamento at Umaaktong Pangulo ng Ukraine, na may kahandaan ang kanyang bansa na makipagdiyalogo sa Rusya.