|
||||||||
|
||
MAGTUTUNGO bukas ng umaga ang ina ni Cadet First Class Aldrin Jeff P. Cudia, si Ginang Filipina P. Cudia sa Korte Suprema upang higit na pagtibayin ang petisyon na idinulog ni G. Renato Cudia upang madeklarang nakapagtapos ang kanilang supling at mapawalang-saysay ang desisyon ng isang lupon sa Philippine Military Academy.
Ayon kay Atty. Howard Areza, ang Chief of Staff ng Public Attorney's Office, layunin ng petition-in-intervention na ipagtanong ang legalidad ng PMA na patalsikin si Cadet Cudia mula sa akademya at pawalan ng karapatang magtapos at maging bahagi ng PMA graduation rites noong Marso 16. Nagkaroon umano ng pagmamalabis sa desisyon o kawalan ng hurisdiksyon at atasan ang Philippine Military Academy na gawaran ng kanyang karapatan ang kadeta at mabigyan ng kaukulang benepisyo ng isang nagtapos sa pag-aaral sa natatanging military academy sa bansa.
Niliwanag ni Atty. Areza na walang anumang layunin ang petisyon na pulaan ang PMA Cadet's Honor Code of the Armed Forces of the Philippines at iba pang senior officials o siraan ang institusyon. Iginagalang nila ang Philippine Military Academy at Armed Forces of the Philippines at mga opisyal nito.
Ang mga magulang ni Cadet Cudia ay isang kasapi ng Special Warfare Operations Group ng Philippine Navy samantalang ang kanyang ina ay kabilang sa Women's Auxiliary Corps.
Humarap ang pamilya ni Cadet Cudia sa mga mamamahayag kanina sa tanggapan ni Chief Public Attorney Persida V. Rueda Acosta. Ani Atty. Acosta, lumapit ang mag-asawang Cudia sa Public Attorney's Office sa Baguio City at nagkaroon ng referral sa PAO Central Office sa kahilingan ng PAO Regional Director para sa Cordillera Autonomous Region.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |