|
||||||||
|
||
Ito ang pananaw ni Commission on Human Rights Chair Loretta Ann P. Rosales, dating Interior and Local Government Secretary Rafael M. Alunan III at maging ni Lt. Col. Ramon Zagala, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat kaninang umaga.
Bagaman, sinabi ni Lt. Col. Zagala na isang malaking dagok ang pagkakadakip sa mag-asawang Tiamzon at mga kasama sa pagkilos ng New People's Army sa mga lalawigan.
Kailangang makarating ang mga palatuntunang pangkaunlaran sa kanayunang kinaroroonan ng mga rebelde. Sa pagkakaroon ng pagbabagong-anyo sa buhay ng mga mamamayan, malulutas ang pinaka-ugat ng insurgency sapagkat mapapawi na ang kahirapan.
Halos magkatulad ang pananaw nina Chair Rosales at G. Alunan sapagkat napuna nila na hindi naipatutupad ang mga programang tutugon sa mga isyu ng mga rebeldeng komunista at maging mga Muslim na nagnanais humiwalay sa bansa.
Ayon kay Chair Rosales, tanging ang Kagawaran ng Katarungan ang makakapagsabi kung magagamit ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) na pinagkasunduan ng National Democratic Front/Communist Party of the Philippines/New People's Army at ng Pamahalaan ng Pilipinas sapagkat umalis sa pakikipag-usap sa pamahalaan ang mga rebelde kamakailan sa pagsasabing makikipag-usap na lamang sila sa hahaliling pangulo ng bansa sa ika-30 ng Hunyo, 2016.
Sinabi naman ni dating Commission on Human Rights Commissioner Nasser A. Marahomsalic na ang kapayapaan sa Mindanao ay matatamo sa oras na maging maganda ang batas na sasaklaw sa Bangsamoro.
Ani Atty. Marahomsalic, sa oras na maging maganda ang batas at makapasa sa Kongreso at malagdaan ni Pangulong Aquino at hindi na magkaroon ng problema sa Saligang Batas, ito na ang pinakamagandang pagkakataon para sa mga Bangsamoro na hindi nararapat hadlangan ninoman.
Kung sa kriminalidad, sinabi ni Chief. Supt. Reuben Theodore Sindac, tagapagsalita ng Philippine National Police na may kaukulang hakbang ang kanilang tanggapan laban sa mga lumalabag sa Karapatang Pangtao. Ito ang kanyang reaksyon sa pahayag ni Chair Loretta Ann P. Rosales na hindi mawala sa kanyang gunita ang mga ginagawa ng ilang mga pulis na gumagamit ng iba't ibang paraan sa pagsisiyasat ng krimen.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |