Nag-usap kahapon sa Berlin sina dumadalaw na Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Chancellor Angela Merkel ng Alemanya. Ipinasiya nilang itatag ng Tsina at Alemanya ang all-dimensional strategic partnership. Ito ay naging direksyon ng pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa sa hinaharap.
Iniharap ni Xi ang limang mungkahi para sa pagtatatag ng relasyong ito. Una, palalimin ang pagtitiwalaang pulitikal ng Tsina at Alemanya. Ika-2, pasulungin ang kooperasyong pangkabuhayan. Ika-3, palakasin ang pagpapalitang pangkultura. Ika-4, panatilihin ang mainam na pag-uugnayan sa mga suliraning pandaigdig. At ika-5, magkasamang magsikap para mapalalim ang relasyon ng Tsina at Europa.
Ipinahayag naman ni Merkel na kinakatigan ng Alemanya ang katatagan at kaunlaran ng Tsina. Umaasa rin aniya ang Alemanya na mapapalalim ang pag-uunawaan at pagtitiwalaan nila ng Tsina, at mapapalawak ang kanilang kooperasyon sa kabuhayan, kalakalan, pamumuhunan, enerhiya, pinansya, pangangalaga sa kapaligiran, at iba pa.