SINABI ni Senador Jose "Jinggoy" Estrada na hindi siya magbibitiw matapos idawit sa kontrobersyang may kinalaman sa pork barrel. Sa kanyang talumpati sa ika-46 na graduation rites sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila sa Philippine International Convention Center sa Pasay City, sinabi niyang may ilang mga panawagan sa kanilang tatlo na isinangkot sa paglustay ng salapi ng bayan, na lumisan sa kanilang mga tungkulin samantalang inihahanda ang kasong kriminal laban sa kanila. Isinangkot sa usapin sina Senador Juan Ponce Enrile at Ramon "Bong" Revilla, Jr.
Ipagtatanggol umano niya ang kanyang sarili sa mga akusasyon sapagkat kabilang ito sa kanyang mga karapatan. Ayon sa mambabatas, nahalal siyang muli sa tungkulin sa pagkakaroon ng may 18 milyong Pilipinong bumuto sa kanya at pinanumpaang paglilingkuran ng tapat.