Mula kahapon hanggang ngayong araw, idinaos sa Pattaya, Thailand ang Ika-20 Pagsasanggunian ng mga Mataas na Opisyal ng Tsina at ASEAN. Sa panahong iyon, idinaos ang Ika-7 Pulong hinggil sa Pagsasakatuparan ng "Declaration on the Code of Conduct on the South China Sea." Magpapalitan ng kuru-kuro ang iba't-ibang panig hinggil sa relasyong Sino-ASEAN, kooperasyon ng Silangang Asya, at mga isyung panrehiyon at pandaigdig na kapwa nila pinahahalagahan.
Sinabi ni Attayut Srisamut, Puno ng Departamento ng ASEAN ng Ministring Panlabas ng Thailand, na nitong ilang taong nakalipas, humihigpit nang humihigpit ang relasyon ng Tsina at mga bansang ASEAN. Bilang isang bansang may napakabilis na pag-unlad, napakalaki aniya ng impluwensiya ng Tsina para sa buong rehiyon. Dagdag pa niya, upang mapasulong pa ang relasyong Sino-ASEAN, pasusulungin ng dalawang panig ang pagsasagawa ng mas maraming diyalogo at kooperasyong pandagat sa kasalukuyang taon. Ito aniya ay naglalayong mapalalim ang paguunawaan at pagtitiwalaan ng dalawang panig at magkakasamang maisabalikat ang responsibilidad sa pangangalaga sa kapayapaan at katatagang panrehiyon.
Salin: Li Feng