|
||||||||
|
||
London, Britanya--Ipinahayag dito kahapon ni Premyer Li Keqiang ng Tsina na nitong ilang taong nakalipas, pahigpit nang pahigpit ang pagtutulungang pinansyal ng Tsina at Britanya. Nagsisilbi aniya itong tampok sa kooperasyon ng dalawang bansa sa iba't ibang larangan.
Winika ito ni Premyer Li sa kanyang talumpati sa Porum na Pinansyal ng Tsina at Britanya. Tinukoy niyang sang-ayon ang dalawang bansa na itatatag ang unang RMB clearing bank sa London. Salamat dito, maisasakatuparan ang direktang transaksyon ng mga salapi ng dalawang bansa. Aniya pa, makakatulong din ito sa pagpapatibay ng katayuan ng London bilang pandaigdig na financial hub at makakatulong din ito sa internasyonalisasyon ng RMB. Ibayo pang magpapaginhawa din ito sa kalakalan at pamumuhunan ng dalawang bansa sa isa't isa.
Ipinangako rin ng premyer Tsino na ibayo pang magbubukas ang Tsina ng sektor na pinansyal ng bansa.
Sinabi naman ni Chancellor of the Exchequer George Osborne ng Britanya na ang pagtatatag ng RMB clearing bank at direktang transaksyon ng RMB at Pound ay magpapasulong ng kalakalan at pamumuhunan ng dalawang bansa. Umaasa aniya siyang mai-aangat ang pagtutulungang pinansyal ng Tsina't Britanya. Umaasa rin siyang mapapatingkad ang papel ng RMB sa pandaigdig na sistemang pansalapi.
Kasalukuyang nagsasagawa si Premyer Li ng kanyang opisyal na pagdalaw sa Britanya. Dadalaw rin siya sa Greece sa kanyang dalawang bansang biyahe sa Europa.
Salin: Jade
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |