Bilang mga puno ng China-US Parliament Exchange Mechanism, kinatagpo kamakailan sa Washington DC si Zhang Ping, Pangalawang Tagapangulo ng Pirmihang Lupon ng Pambansang Kongresong Bayan ng Tsina, nina Mark Begich at Saxby Chambliss, mga senador ng Kongreso ng Amerika.
Sa pagtatagpo, ipinahayag ni Zhang ang pag-asang mauunawaan at kakatigan ng Kongresong Amerikano ang paninindigan at pagkabahala ng Tsina sa mga isyu ng East China Sea, South China Sea, Taiwan, at cyber security. Umaasa rin siyang maingat na mahahawakan ng Kongresong Amerikano ang mga isyung ito, para mapangalagaan ang pangkalahatang kalagayan ng relasyong Sino-Amerikano.
Ipinahayag naman ng dalawang senador na Amerikano na pinahahalagahan ng Kongresong Amerikano ang relasyon ng Amerika at Tsina, at kinakatigan ang pagpapalitan at pagtutulungan ng dalawang bansa. Ipinahayag din nila ang kahandaan ng panig Amerikano na palakasin ang pakikipag-ugnayan sa panig Tsino, para maayos na malutas ang mga pagkakaiba ng dalawang bansa.
Salin: Liu Kai