Magkahiwalay na nakipagtagpo kahapon ng hapon sa Beijing si Premyer Li Keqiang ng Tsina kina Pangulong Thein Sein ng Myanmar at Pangalawang Pangulong Hamid Ansari ng Indya. Ito ay bilang panalubong sa kanilang paglahok dito sa Beijing sa selebrasyon ng ika-60 anibersaryo ng pagpapatalastas ng "Limang Prinsipyo ng Mapayapang Pakikipamuhayan."
Sa pagtatagpo nina Li Keqiang at Thein Sein, nagpalitan sila ng palagay hinggil sa pagpapalakas ng kooperasyon sa iba't ibang larangan ng Tsina at Myanmar. Kapwa nagpahayag din ng kahandaan ang dalawang panig na pasulungin ang sustenable, malusog, at matatag na kaunlaran ng relasyong Sino-ASEAN.
Sa pagtatagpo naman nina Li Keqiang at Hamid Ansari, ipinahayag nila ang kahandaang ibayo pang palalimin ang estratehikong partnership ng Tsina at Indya. Nagbigay-diin din sila sa kahalagahan ng maayos na paglutas sa isyung panghanggahan ng dalawang bansa.