Ipinahayag kamakailan ni Chen Zhou, Direktor ng Departamento sa Asya ng Ministri ng Komersyo ng Tsina na ang pag-unlad ng Malayang Sonang Pangkalakalan ng Tsina at ASEAN (CAFTA) ay nakakatulong sa interes ng magkabilang panig.
Winika ito ni Chen sa isang preskon na may kinalaman sa pagtutulungang pangkabuhaya't pangkalakalan ng Tsina at ASEAN at Ika-11 China-ASEAN Expo (CAEXPO) na gaganapin sa darating na Setyembre.
Tinukoy ni Chen na sapul nang itatag ang CAFTA noong 2002, natupad na ng Tsina at mga bansang ASEAN ang mga hakbangin para makapagbigay-ginhawa sa kanilang pagkakalakalan. Ang mga ito aniya ay nagpasulong ng pagtutulungang pangkabuhaya't pangkalakalan ng dalawang panig. Halimbawa, dumarami ang pamumuhunan ng Tsina sa mga bansang ASEAN samantalang parami nang paraming bigas, prutas at iba pang mga produktong agrikultural ng ASEAN ay iniluluwas sa Tsina.
Idinagdag pa ni Chen na sa susunod na limang taon, tinatayang magluluwas ang Tsina ng mga produktong nagkakahalaga ng 10 trilyong dolyares at lalampas sa 500 bilyong dolyares ang direktang puhunan ng Tsina sa labas ng bansa. Kasabay nito, lalampas sa 500 milyong person-time ang turistang Tsino na bibisita sa ibang bansa. Ipinakikita nito aniyang ang pag-unlad ng Tsina ay makakapagbigay-pakinabang sa mga kapitbansa, lalung lalo sa mga bansang ASEAN.
Salin: Jade