IBINALITA ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas ang paglilipat ng non-core staff ng Embahada ng Pilipinas sa Libya patungo sa Tunisia. Ang kanilang mga kamag-anak ay inilipat na noong nakalipas na linggo.
Ito ang desisyon matapos umigting ang kaguluhan sa Tripoli. Ang mga kalalakihan at mga pangdagdag na kawani sa ilalim ng Rapid Response Teams ang mananatili sa Tripoli upang pangasiwaan ang pagpapauwi sa mga manggagawang Filipino na nasa ilalim ng Alert Level 4. Nangangahulugan ito ng mandatory repatriation.
Nananawagan pa rin sila sa mga Filipino sa Tripoli na magpatala na upang mailikas bago masarhan ang lahat ng ruta at magagawa bago lubhang humirap ang kondisyon.