Ayon sa ulat ngayong araw ng pahayagang Lianhe Zaobao ng Singapore, ipinahayag ni Joko Widodo, bagong halal na pangulo ng Indonesia, na kung igagalang ang soberanya ng Indonesia, kakatigan niya ang plano ng Singapore na pigilin ang haze at parusahan nang mabigat ang mga kompanyang dayuhan na may kinalaman sa ilegal na pagsunog sa mga palm tree.
Noong nagdaang buwan, nagharap ang pamahalaan ng Singapore ng panukalang batas sa transnasyonal na haze pollution sa Pambansang Kongreso. Ang batas na ito ay naglalayong parusahan nang mabigat ang mga kompanya o mamamayang dayuhan na ilegal na sumusunog ng palm tree. Kung mapapagtibay ang naturang panukalang batas, posibleng magbayad ang mga lumabag sa batas ng 2 milyong Singaporean dollars (o 1.61 milyong dolyares) na penalty. Sa kasalukuyan, 300 libong Singaporean dollars (o 240 libong dolyares) ang ganitong penalty.
Salin: Vera