Bagama't sinang-ayunan kamakalawa ng kapwa Israel at Palestina ang pagsasagawa ng 72-oras na humanitarian truce, nagkaroon pa rin kahapon ang dalawang panig ng pagpapalitang-putok sa Gaza Strip, na ikinamatay ng maraming Palestino. Kapwa binatikos ng Israel at Palestina ang isa't isa na umano'y siyang unang nagpaputok at pagkatapos, ipinatalastas ng kapwa panig ang pagbibigay-wakas sa tigil-putukan.
Kaugnay ng pagkasira ng tigil-putukan ng Israel at Palestina, nagpahayag kahapon ng pagkasindak at pagkalungkot si Pangkalahatang Kalihim Ban Ki-moon ng UN. Kinondena niya ang mga aksyong labag sa kasunduan sa tigil-putukan, at hinimok ang Israel at Palestina na panumbalikin ang 72-oras na humanitarian truce.