|
||||||||
|
||
Sa kanyang talumpati sa pulong, sinabi ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina na nakatuon sa ASEAN ang priyoridad ng diplomasya ng Tsina sa mga kapitbansa. Aniya, kinakatigan ng Tsina ang pag-unlad ng ASEAN, pamumuno ng ASEAN sa kooperasyong panrehiyon, at pagtatatag ng ASEAN Community.
Ipinahayag din ni Wang na pumasok na ang estratehikong partnership ng Tsina at ASEAN sa bagong yugtong may mas mataas na lebel, mas malawak na nilalaman, at mas malalim na kooperasyon. Aniya, ang kooperasyon ay pangunahing tunguhin ng relasyong Sino-ASEAN, at dapat magpokus ang dalawang panig sa pagpapalakas at pagpapalalim ng kanilang kooperasyon.
Iniharap din ni Wang ang mga mungkahi hinggil sa ibayo pang pagpapasulong sa relasyong Sino-ASEAN. Halimbawa, sa aspekto ng kooperasyong pampulitika, lalagdaan ang kasunduan hinggil sa pangkapitbansang kooperasyong pangkaibigan ng Tsina at mga bansang ASEAN. Sa aspekto naman ng kooperasyong panrehiyon, pabibilisin ang mga talastasan hinggil sa pag-a-upgrade ng China-ASEAN Free Trade Area, at Regional Comprehensive Economic Partnership. At sa aspekto naman ng kooperasyong pandagat, palalakasin ang diyalogo sa pagitan ng mga bansa sa rehiyon ng South China Sea para magkaroon ng mekanismong pangkooperasyon na katanggap-tanggap sa iba't ibang panig.
Pagdating sa isyu ng South China Sea, sinabi ni Wang na ang pagpapatupad ng Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea ay tumpak at mabisang paraan para mapangalagaan ang kapayapaan at katatagan ng South China Sea. Dagdag pa niya, nakahanda ang Tsina na palakasin ang pakikipagsanggunian sa ASEAN, para marating sa lalong madaling panahon ang Code of Conduct on the South China Sea.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |