Ipinahayag kahapon ni Pangulong Vladimir Putin ng Rusya na sa ilalim ng kooperasyon kasama ng International Committee of the Red Cross (ICRC), magpapadala ang kanyang bansa ng humanitarian convoy sa Ukraine.
Kaugnay nito, sinabi ni Ministrong Panlabas Sergey Lavrov ng Rusya na sa kasalukuyan, kailangang kailangan ng silangang Ukraine ang pangkagipitang makataong tulong. Aniya, nagkasundo na ang Rusya at Ukraine hinggil sa mga detalye ng pagkakaloob ng tulong na nabanggit. Dagdag niya, umaasa ang Rusya na hindi hahadlang ng mga bansang kanluranin ang misyong ito.
Bilang reaksyon sa pahayag ng Rusya, sinabi naman kahapon ng tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Ukraine na ipinaalam na ng kanyang bansa sa panig Ruso ang mga kondisyon para sa pagkakaloob ng makataong tulong na gaya ng dapat ipagkaloob sa pamahalaan ng Ukraine ang listahan ng mga tulong, at dapat ihatid ang mga tulong sa pamamagitan ng mga tsanel ng UN at ICRC. Ipinahayag naman ng opisyal ng tanggapang pampanguluhan ng Ukraine, na hindi inaasahan ng kanyang bansa ang pagpapadala ng Rusya ng humanitarian convoy. Aniya, puwedeng makisama ang Rusya sa Unyong Europeo, Amerika, Alemanya, at iba pang bansa para sa pagkakaloob ng pandaigdig na tulong sa Ukraine.
Salin: Liu Kai