MATAPOS ang kakaibang sakuna sa Metro Rail Transit Line 3 kahapon, sinabi ni Hernando Cabrera, tagapagsalita ng kumpanya na makakaasa ang mga pasahero na mas matagal na biyahe.
Sa pagkasira ng isa sa dalawampung tren na ginagamit araw-araw, pag inalis ang isa, katumbas ito ng may 900 pasahero bawat oras. Dagdag umano ito sa pila na karaniwang nagaganap sa pagitan ng ika-pito hanggang ika-siyam ng umaga at ikalima ng hapon hanggang ika-pito ng gabi.
Isang tren ang napinsala matapos mawalan ng control at bumangga sa steel barricade at lumusot sa kahabaan ng EdSA at Taft Avenue sa Pasay City na ikinasugat naman ng higit sa 30 katao.
Balik na umano sa normal ang biyahe ng tren kaninang umaga. Unang bahagi lamang ng tren ang napinsala.