|
||||||||
|
||
Philippine Promotion Conference
Kahapon sa Nanning International Convention and Exhibit Center, ipinakilala ng Pilipinas ang mga bentahe ng bansa sa mga Tsinong bahay-kalakal at mamumuhunan. At inalok sa kanila ang 15 investment ready projects sa larangan ng manufacturing, logistics, information technology, business process management, agribusiness at turismo.
Raly Tejada
Sa kanyang panalubong na pananalita, sinabi ni Consul General Raly Tejada ng Konsulado ng Pilipinas sa Guangzhou, na kasunod ng Amerika at Hapon, ang Tsina ang ikatlong pinakamalaking export market ng Pilipinas. At umaabot sa $US 7B ang kabuuang halaga ng pagluluwas ng bansa sa Tsina. Sa loob ng tatlong taon, maaring malampasan ng Tsina ang America dahil sa ipinakikitang 18.42% na taunang paglago nito mula 2009 hanggang 2013. Sa gitna ng pag-unlad na ito, ani Tejada ang Ika 11 China ASEAN Expo ay magandang plataporma para sa business matching sa mga investment agencies ng Pilipinas at mamumuhunang mula sa Nanning.
Liu Zhiyong
Dumalo rin sa nasabing promotion conference si Liu Zhiyong, Vice Chairman ng Chinese People's Political Consultative Conference ng Guangxi. Sa kanyang talumpati sinabi Liu, "Sa ilalim ng pagsisikap ng Guangxi at Pilipinas, nananatiling matatag ang pag-unlad ng kooperasyon ng dalawang panig sa kabuhayan at kalakalan. Bukod dito, patuloy na umunlad nang malaki ang bolyum ng bilateral na kalakalan ng dalawang panig noong unang hati ng taong 2014."
Dagdag niya aktibong pasusulungin ng Guangxi ang mga aktuwal na kooperasyon sa Pilipinas sa kooperasyong pangkabuhayan sa Pan-Beibu Bay.
Plano ring pahigpitin ng Guangxi ani Liu ang kooperasyon para mapadali ang proseso ng kalakalan at pamumuhunan. At nakahanda ang Guangxi na pahigpitin, kasama ng Pilipinas, ang mga kooperasyon at pamumuhunan sa mga larangan na gaya ng imprastruktura, pagpoproseso ng mga produktong agrikultura at industriya ng pangingisda.
Nora Terrado
Sa kanyang panayam sa CRI Serbisyo Filipino, sinabi ni Undersecretary Nora Terrado ng Department of Trade and Industry at Puno ng Delegasyong Pilipino sa CAEXPO ngayong taon, na lingid sa kaalaman ng marami na ang CAEXPO nitong 10 taong nakalipas ay instrumentsl sa import at export sa pagitan ng Tsina at Pilipinas partikular sa sektor ng pagkain.
Pirmahan ng MOU
Naganap din ang pirmahan ng Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng Philippine Investments Promotions Plan Steering Committee at China ASEAN Fund.
Paliwanag ni Usec. Terrado hinggil sa nilalaman ng MOU, "This is to come up with more actionable recommendation. Yun bang puwede nating magawa ang practical approach of ensuring that businesses forged in this occassion is really planned out and such plan is executable, talagang praktikal siya simple at magagawa, talagang specific, actionable, hindi basta pirmahan lang. Something that will forge actual business."
Hinggil sa kinabukasan ng kalakalan at pamumuhunan sa pagitan ng Pilipinas at Tsina, sinabi ni Usec. Terrado "Sana maging praktical tayo at ito ay mapalago. At maraming kabuhayan ang maibibigay sa ating mga kababayan at ang investments ay lalago papunta sa Pilipinas. At ang investors ng Pilipinas ay makapaglalagak din ng kanilang negosyo dito sa Tsina."
Dumalo sa Philippine Promotion Conference ang kinatawan ng ASEAN Secretariat, Economic Counselor ng Pasuguan ng Tsina sa Pilipinas at kinatawan ng mga investment agencies at economic zones ng Pilipinas.
Ulat ni Machelle Ramos kasama si Ernest Wang
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |