Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Bangsamoro Basic Law, minadali; Qaddafy, nakatulong din

(GMT+08:00) 2014-09-22 19:05:18       CRI

NANINIWALA sina dating Kalihim Rafael M. Alunan III ng Department of Interior and Local Government at Commodore Rex Robles ng Reform the Armed Forces Movement na minadali ng pamahalaan ang pagbuo ng Bangsamoro Basic Law. Ito ang kanilang pananaw sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat kaninang umaga.

Sa panig ni Commodore Robles, mahalagang balikan ang mga nakalipas na pakikipag-usap ng pamahalaan, tulad halimbawa ng naganap na pakikipagpasundo sa Moro National Liberation Front sapagkat maraming aral na matututuhan. Binanggit din niya na unang nakita niya ang pagkilos ng mga batang kasapi ng Moro National Liberation Front matapos sabihin ng pamahalaan na "spent force" na ang grupong pinamunuan ni Professor Nur Misuari.

Nagkataon lamang na matatanda ang kumilos na maaaring napondohan ng 'di pa malamang grupo upang maghasik ng lagim sa Zamboanga City. Binanggit din ni Commodore Robles na ang mga kumilos at pumasok sa Zamboanga ay nagparamdam lamang sa mga nagbigay ng pondo na nagawa na nila ang inaasahan at masayang naibulsa na ang salapi.

Binanggit naman ni Secretary Alunan na nabuo ang Moro Islamic Liberation Front sa ilalim ni Chairman Hashim Salamat ng makipag-usap ang grupo ni Professor Misuari sa pamahalaan. Idinagdag pa ni G. Alunan na mayroong tatlong grupo sa loob ng Moro Islamic Liberation Front na nag-aabang sa kahihinatnan ng Bangsamoro Basic Law.

Idinagdag pa ni G. Alunan ang isa sa mga kinahinatnan ng peace agreement sa MNLF ang pagpasok ng may 7,500 MNLF integrees sa Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police. Ang isa sa mga matagumpay na halimbawa ay ang pagpasok sa AFP ni Yusop Jikiri na naging deputy commander ng AFP Southern Command at nahalal na gobernador ng Sulu.

Sinabi naman ni Atty. Anna Basman, pinuno ng legal team ng GPH panel na nakikipag-usap sa MILF na hindi umano interesado ang mga kasapi ng Moro Islamic Liberation Front na maging bahagi ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas at Philippine National Police. Ang payo ng liderato ng MILF ay kung may interesadong maging bahagi ng AFP at PNP ay kailangang dumaan sa proseso at matiyak na sila'y kwalipikado.

Ang isang suliranin ng BBL ayon kay G. Alunan ay hindi nagkaroon ng konsultasyon sa mga may karanasan sa pakikipag-usap sa mga rebelde. Binanggit niya ang hindi pagkakasama o pagtatanong man lamang kay dating Pangulong Fidel V. Ramos na nagsimula ng peace process sa MNLF. Malaki rin umano ang maitutulong ng dating pangulo, dagdag pa ni G. Alunan.

Niliwanag ni Commodore Robles na bagama't walang masama sa mga nagmula sa academe sa koponan ng pamahalaan ng Pilipinas, mas makabubuting mayroong nagmula sa mga nakakakilala sa mga rebelde, sa mga opisyal ng pamahalaang lokal at sa mga nakababatid ng nagaganap sa mga komunidad.

Samantala, sinabi ni Atty. Basman na ginawa ng magkabilang panig ang lahat upang maging malawakan ang maging biyaya para sa mga mamamayan ng Mindanao. Hindi man napapaloob sa Bangsamoro Basic Law ang detalyes ng pagsasalong ng mga sandata, mayroong napapaloob sa annex on normalization na masusing pinag-usapan ng magkabilang panig.

Hindi umaasa sina G. Alunan at Commodore Robles na magiging madali ang pagpapasa nito sa Kongreso bagama't pinanindigan ni Atty. Basman na may pangako ang dalawang kapulungan na maipapasa nila ang panukalang batas sa tama at takdang panahon.

Sa palatuntunan, binanggit ni Commodore Robles na madalas may mga tinatawagan si Pangulong Ramos sa oras na may problema sa seguridad sa Mindanao at nalulutas kaagad. Hindi nga lamang umano natatanong si Pangulong Ramos kung sino ang kanyang tinatawagan. Ayon kay Secretary Alunan, direktang tumatawag sa Pangulong Ramos kay Moammar Qaddafy ng Libya sa oras na may kidnapping sa Mindanao. Karaniwang tinatawagan ni Colonel Qaddafy si Professor Misuari na nag-uutos na kanyang military chief na si Yusop Jikiri (na lutasin ang problema).

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>