|
||||||||
|
||
MALAKI ang posibilidad na pumutok ang Bulkang Mayon sa loob ng ilang araw. Ito ang sinabi ni resident volcanologist Ed Laguerta matapos ang ginawang aerial inspection.
Bagama't nanatiling tahimik ang bulkan sa nakalipas na ilang araw, nabawasan rin ang mga pagyanig ng lupa at pagguho ng mga bato at maaaring ito na ang pananahimik ng bulkan bago ito pumutok.
Nagbubuga ang Mayon ng puting usok na nangangahulugan na mayroong pressure na nabubuo sa ilalim ng bulkan na magiging dahilan ng pagputok.
Ayon kay G. Laguerta, kung maganap ang pagputok, apektado ang mga bayan ng Daraga, Sto. Domingo, Camalig at Lungsod ng Legazpi.
Kahit wala pa ang deklarasyon ng Alert Level 4, hinog na ang bulkan sa pagsabog sa loob ng ilang araw.
Mayroong 51,983 mga evacuees o 11,255 pamilya. Suspendido pa rin ang klase samantalang nagtatayo ang pamahalaang panglalawigan ng mga tolda bilang pansamantalang mga paaralan. Balik-eskwela ang mga bata sa susunod na linggo.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |