Sa Qingdao, Lalawigang Shandong ng Tsina—Idinaos dito kamakalawa at kahapon ang pagsasanggunian ng Tsina at Hapon sa mataas na antas hinggil sa mga suliraning pandagat. Ito ang muling pagdaraos ng kapuwa panig ng ganitong pagsasanggunian pagkaraan ng dalawang taon. Ipinahayag ngayong araw ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina na ang nasabing pagsasanggunian ay makakabuti sa pagtalakay at pagkontrol ng magkabilang panig ng mga alitan at krisis sa dagat.
Aniya, sa kasalukuyang pagsasanggunian, nagpalitan ang Tsina at Hapon ng kuru-kuro hinggil sa mga isyung may kinalaman sa East China Sea at kooperasyong pandagat. Sinang-ayunan nila, sa prinsipyo, ang muling pagdaraos ng pagsasanggunian sa mekanismo ng liyasyong pandagat ng mga departamentong pandepensa ng dalawang bansa. Sumang-ayon din silang idaraos ang bagong round ng pagsasanggunian sa mataas na antas hinggil sa mga suliraning pandagat sa katapusan ng kasalukuyang taon o unang dako ng susunod na taon.
Salin: Vera