|
||||||||
|
||
Embahador Erlinda F. Basilio, sa kanyang pambungad na talumpati sa Flavors of the Philippines
Binuksan kagabi, sa Zest Restaurant ng Ritz Carlton Hotel sa lunsod ng Tianjin, Tsina ang "2014 Flavors of the Philippines" Food Festival, na nagtatampok sa ibat-ibang putaheng Pinoy na may impluwensya mula sa mga bansang gaya ng Tsina, Espanya, at Timog Silangang Asya.
Sa kanyang pambungad na talumpati, sinabi ni Erlinda F. Basilio, Embahador ng Pilipinas sa Tsina, na para sa mga Tsino, ang pagkaing Pinoy ay isang misteryo. "Pero, sa sandaling matikman ng ating mga kaibigang Tsino ang lutong Pinoy, kaagad nila itong naiibigan, dahil ito ay may lasang mula sa Tsina, Timog Silangang Asya, at Europa," ani Basilio.
Dagdag ng embahador, may tatlong elementong nagpapa-angat sa pagkaing Pinoy. Una, nandiyan aniya ang asim na pangunahing lahok sa mga pagkaing patok sa panlasang Pinoy; pangalawa, ang mga sarsa na nagdadala sa lasa ng maraming uri ng lutong Pilipino; at pangatlo, primera klase at sariwang rekado.
Mga putaheng Pinoy
At para maipalasap sa mga kaibigang Tsino ang sariwa at dekalidad na mga aning ito, dinala aniya ng Embahada ng Pilipinas sa "2014 Flavors of the Philippines" Food Festival ang mga ipinagmamalaki at matatamis na mangga mula sa Pilipinas.
Anang embahador, ito ay para maipatikim nang libre sa mga Tsino ang primera klaseng manggang Pinoy.
Higit sa lahat, ipinahayag din ng embahador ang pag-asang sa pamamagitan ng salu-salong ito, lalo pang lalalim at titibay ang bigkis ng pagkakaibigan sa pagitan ng mga mamamayang Pilipino at Tsino.
Aniya, sa Pilipinas, kapag ang isang tao ay inimbitahan sa isang hapag-kainan, siguradong siya ay magiging isang kaibigan. Kaya naman ipinahayag ng embahador ang pag-asang, pagkatapos ng nasabing hapunan, lahat ng dumalo ay magiging magkakaibigan.
Mula sa kaliwa, Chef Anton Abad, Sous Chef Von Ragudos, at Pastry Chef Joseph Tan
Samantala, isang grupo ng mga eksperto at sikat na chef mula sa Pilipinas, na kinabibilangan nina Chef Anthony Lanuza Abad, Pastry Chef Joseph Robert Tan, at Sous Chef Mark Wilhelm Ragudos ang naghanda sa mga putaheng gaya ng sinigang na hipon, adobong manok, kalderetang baka, kare-kare, bagnet, maha blanca, ginataang munggo, at marami pang iba.
Ang "Flavors of the Philippines" Food Festival ay isang taunang kaganapan na itinataguyod ng Embahada ng Pilipinas sa Beijing upang maipakilala ang pagkaing Pinoy at kulturang Pilipino sa mga Tsino, at patibayin ang bigkis ng pagkakaibigan ng dalawang mamamayan sa pamamagitan ng kultura ng pagkain.
Ang "2014 Flavors of the Philippines" Food Festival ay idinaraos mula sa Ika-15 hanggang Ika-19 ng Oktubre 2014.
Para sa karagdagang impormasyon, tumawag sa 8622 5809 5196.
Reporters: Jade Andrea Mac Rhio
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |