Binuksan kahapon sa Shanghai, Tsina, ang 2014 Pujiang Innovation Forum, para isagawa ang pagpapalitan hinggil sa mga mainit na isyu ng inobasyon sa loob at labas ng Tsina.
Ang Rusya ay country of honor sa kasalukuyang porum. Sa kanyang mensaheng pambati, ipinahayag ni Pangulong Vladimir Putin ng Rusya na mabunga ang kooperasyon ng Rusya at Tsina sa maraming larangan. Ang porum na ito ay makakatulong aniya sa pagpapalalim ng kooperasyon ng dalawang panig sa pamumuhunan, inobasyon, siyensiya at negosyo.
Bukod dito, nagpadala rin si Pangulong Xi Jinping ng Tsina ng mensaheng pambati sa porum na ito. Sinabi ni Xi na ang inobasyon ay mahalagang puwersa sa pagpapasulong ng pag-unlad ng buong daigdig. Nakahanda ang Tsina na pahigpitin, kasama ng Rusya at ibang mga bansa sa daigdig, ang kooperasyon sa inobasyon ng siyensiya at teknolohiya para pasulungin ang pag-unlad ng buong daigdig.