Sa kanyang talumpati sa Ikasiyam na East Asia Summit (EAS) na idinaos ngayong araw sa Nay Pyi Taw, Myanmar, sinabi ni Premyer Li Keqiang ng Tsina, na aktibong nagsasanggunian ngayon ang Tsina at mga bansang ASEAN, para buuin sa lalong madaling panahon ang Code of Conduct (COC) sa South China Sea.
Tinukoy din ni Li na isinagawa na ng Tsina at mga bansang ASEAN ang mahigpit na pag-uusap at pag-uugnayan hinggil sa pagpapatupad ng Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC). Dagdag pa niya, nilinaw din ng mga bansa ang ideyang ang isyu ng South China Sea ay dapat lutasin ng mga bansang may direktang kinalaman sa isyung ito sa pamamagitan ng talastasan at pagsasanggunian, at ang kapayapaan at katatagan ng South China Sea ay dapat magkakasamang pangalagaan ng Tsina at mga bansang ASEAN.
Salin: Liu Kai