NAY PYI TAW—Dumating kahapon ng hapon si Premyer Li Keqiang ng Tsina sa Myanmar para lumahok sa Ika-17 Pulong ng mga Lider ng ASEAN at Tsina (10+1), Ika-17 Pulong ng mga Lider ng ASEAN, Tsina, Hapon at Timog Korea (10+3), at Ika-9 na East Asia Summit, at magsasagawa rin ng opisyal na pagdalaw sa Myanmar, bansang tagapangulo ng ASEAN.
Sa kanyang talumpati sa paliparan, sinabi ng premyer Tsino na ang Tsina ay ang pinakamalaking kapitbansa ng ASEAN at ito rin ang pinakaaktibong partner na pangkooperasyon ng ASEAN. Ipinahayag ni Premyer Li ang kanyang pag-asang makapagpapalitan ng kuru-kuro hinggil sa pagpapalalim ng estratehikong partnership ng Tsina at ASEAN at sa pagpapasulong ng kapayapaan at kasaganaan ng Silangang Asya, sa panahon ng pagdaraos ng nasabing mga pulong.
Inaasahan din ni Premyer Li ang pakikipagpalitan sa mga lider ng Myanmar para maiangat ang komprehensibong estratehikong partnership ng Tsina at Myanmar.
Salin: Jade