|
||||||||
|
||
Binuksan kagabi sa Renassaince Shanghai Yangtze Hotel ang "More Flavors of the Philippines" food festival, na nagtatampok sa ibat-ibang masasarap na putaheng Pinoy.
Si Konsul Heneral Wilfredo R. Cuyugan, sa kanyang pambungad na talumpati
Sa kanyang pambungad na talumpati, sinabi ni Wilfredo R. Cuyugan, Konsul Heneral ng Pilipinas sa Shanghai, na ang nasabing aktibidad ay isang oportunidad upang maibahagi sa lahat ng mga kaibigang dumalo ang kasiyahang dulot, hindi lamang ng masasarap na pagkain, kundi rin, ng kulturang Pinoy na laging nagdiriwang ng kasaganaan.
Sinabi ni Cuyugan, na makikita sa pagkaing Pilipino ang kuwento ng kasaysayan at kultura ng Pilipinas.
Ito aniya'y talaan kung saan mababakas kung paano inihalo ng mga Pinoy sa kanilang sariling kultura ang mga impluwensyang galing sa ibat-ibang bansa't lahi.
Dagdag ng konsul heneral, ang lutong Pinoy ay may impluwensya mula sa Tsina, Espanya, at Amerika.
Mula sa Espanya, nariyan aniya ang "Lengua Estofado," samantalang mula naman sa Amerika, makikita ang hotdog, hamburger, at pizza.
Pero, ani Cuyugan, ang bansang may pinakamalaking impluwensya sa pagkaing Pinoy ay Tsina.
Dagdag pa niya, ilang halimbawa ng mga pagkaing may impliwensya mula saTsina ay pansit, lumpia, adobo, litson, hopya, siopao, patatim, taho, nilaga, at marami pang iba.
Bayanihan National Folk Dance Company ng Pilipinas habang nagtatanghal
Ang "More Flavors of the Philippines" food festival ay nasa ilalim ng pagtataguyod ng Philippine Consulate General sa Shanghai; sa tulong ng Renaissance Shanghai Yangtze Hotel, Dai-Ichi Electronics, National Comission for Culture and the Arts (NCCA), Asia Society Philippines, Cebu Pacific, Filipino Heritage Festival Inc., at Bayanihan National Folk Dance Company of the Philippines.
Si Michaela "Micky" Fenix
Kasabay ding idinaos sa nasabing food festival ang Philippine Food Exhibit "Pagkain" na pinangunahan nina Michaela "Micky" Fenix at Neal M. Oshima. Tampok sa food exhibit na ito ang award-winning na aklat na "Kulinarya: A Guidebook to Philippine Cuisine." Ito ay isinulat ni Fenix, samantalang ang mga larawan dito ay kuha naman ni Oshima, isang beterano at kilalang Amerikanong photographer.
Neal M. Oshima (kanan) at Mac Ramos
Ang mga pagkaing inihain sa nasabing pagtitipon ay inihanda ni Chef Bryan T. Salarzon, Sous Chef ng Marriot Hotel. Noong 2012, siya ay pinarangalan bilang Supervisor of the Year. Ang "More Flavors of the Philippines" food festival at Philippine Food Exhibit "Pagkain" sa Shanghai ay bukas simula Nobyembre 18 hanggang 23, mula 6:00pm hanggang 10:00pm. Ang dinner buffet ay nagkakahalaga ng 308RMB.
Samantala, magtatanghal ang Bayanihan National Folk Dance Company mula Miyerkules hanggang Biyernes.
May espesyal na presyo namang nakahanda para sa mga Pilipinong nais dumalo.
Reporter: Rhio/Mac/Ernest
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |