Nag-usap ngayong araw sa Wellington sina dumadalaw na Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Punong Ministro John Key ng New Zealand. Ipinasiya ng dalawang lider na pataasin ang relasyon ng Tsina at New Zealand sa komprehensibo at estratehikong partnership.
Binigyang-diin ni Xi na dapat panatilihin ng Tsina at New Zealand ang pagpapalagayan sa mataas na antas, at isasagawa ang pagpapalitan at pagtutulungan sa iba't ibang lebel at tsanel. Umaasa rin aniya siyang sasamantalahin ng dalawang bansa ang kanilang kasunduan sa malayang kalakalan, para walang humpay na pasulungin ang relasyong pangkabuhayan at pangkalakalan.
Ipinahayag naman ni Key na magsisikap ang New Zealand, kasama ng Tsina, para pasulungin ang komprehensibo at estratehikong partnership ng dalawang bansa. Aniya pa, para mapataas ang lebel ng bilateral na kalakalan at pamumuhunan, umaasa ang New Zealand na palalawakin ang pagluluwas ng mga produktong agrikultural at produktong gatas sa Tsina, at hihikayatin ang mas maraming pamumuhunan ng mga bahay-kalakal na Tsino.
Salin: Liu Kai