Ayon sa ulat kahapon ng Yonhap News Agency, mula ika-11 hanggang ika-12 ng buwang ito, idaraos sa Busan ang ika-2 espesyal na summit ng Timog Korea at ASEAN. Tatasahin ng mga lider ng Timog Korea at 10 bansang ASEAN ang relasyong pangkooperasyon ng kapuwa panig, ipapalabas ang magkasanib na pahayag, at itatakda ang bagong blueprint para sa kanilang kooperasyon sa hinaharap.
Ang tema ng naturang summit ay "Pagtatatag ng Pagtitiwalaan, Pagsasakatuparan ng Kaligayahan."
Sapul nang itatag ang relasyon ng diyalogo ng Timog Korea at ASEAN noong 1989, may komprehensibong pag-unlad ang pagpapalitan at pagtutulungan ng kapuwa panig. Sa kasalukuyan, ang pagpapalagayan ng kapuwa panig ay, pangunahin na, sa mga larangang gaya ng kabuhayan, kalakalan, pamumuhunan at turismo. Mabungang-mabunga ang kooperasyon nila sa larangan ng kabuhayan. Noong nagdaang taon, 135.3 bilyong dolyares ang kalakalan ng magkabilang panig, at ang ASEAN ay naging ika-2 pinakamalaking trade partner ng Timog Korea, kasunod ng Tsina. Umabot naman sa 3.8 bilyong dolyares ang direktang pamumuhunan ng mga bahay-kalakal ng Timog Korea sa ASEAN.
Salin: Vera