SA pagdiriwang ng Communist Party of the Philippines ng kanilang ika-46 na taong pagkakatatag, nanawgan ang Armed Forces of the Philippines na talikdan na ang armadong pakikibaka bilang paraan ng paglutas ng mga suliranin ng bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ni Lt. Col. Harold Cabunoc, chief ng Public Information Office na walang sinumang magwawagi sa patuloy na pagdanak ng dugo. Nasaksihan na ang paghihirap ng mga karaniwang taong napapagitna sa mga sagupaan.
Ayon kay G. Cabunoc, nasaksihan ang dalawang pananalakay sa sibilyan tulad ng pananambang sa mga ambulansya sa Davao del Sur at sa Caraga Region. Nangamba rin ang mga mamamayan sa Compostela Valley matapos mabimbin ng ilang oras. May mga sibilyan ding nasugatan sa pagsabog ng granada sa Masbate noong nakalipas na Nobyembre.