|
||||||||
|
||
NATAPOS na ang ginawang pag-aayos sa Daniel Z. Romualdez Airport sa Tacloban City para sa araw ng Pasko at sa pagdalaw ni Pope Francis sa darating na Enero. Ibinalita na Civil Aviation Authority of the Philippines, na nabuksan na ang runway para sa lahat ng eroplanong kinabibilangan ng mas malalaking jet.
Inalis na ang "Notice to Airmen" na nagbabawal sa malalaking eroplanong lumapag sa paliparan dahilan sa pag-aayos ng runway. Sa isang pahayag na inilabas noong Martes ng hapon, ang paliparan ay binuksan na para sa mga Airbus 320 o Boeing 737.
Mula na ginawa ang paliparan ay limitado sa maliliit na eroplano ang paglalalakbay patungo sa Tacloban City. Napilitan ang Philippine Air Lines Express, Cebu Pacific, Tiger Air at AirAsia na gumamit na maliliit na eroplano. Tanging mga Bombardier Dash 8 at ATR 72-500 na may kapasidad na 72 pasahero ang pinayagang lumapag sa paliparan.
Napinsala ang paliparan at naging malubak ang runway sa paghagupit ni "Yolanda" noong nakaraang taon kaya't minadali ng pamahalaan ang pag-aayos lalo pa't dadalaw si Pope Francis sa ika-17 ng Enero sa Tacloban City at sa Palo, Leyte.
Ayon sa Philippine Air Lines, isasakay nila si Pope Francis at ang kanyang grupo patungong Tacloban City at gagamit ng isa sa kanilang airbuses na kayang lumapag sa Daniel Z. Romualdez Airport. Bukas na ito mula ika-lima ng umaga hanggang ika-siyam ng gabi.
Noong Martes pa lamang ay lumapag na ang PAL Express Flight 2P1987 na mayroong 153 mga pasahero sakay ng Airbus A-320 sa Tacloban City.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |