|
||||||||
|
||
KINAILANGANG lumikas ang libu-libong mamamayan sa Mindanao matapos bumuhos ang matinding ulan at malakas na hangin.
Ayon sa ulat, sa Surigao del Sur, tumama ang bagyong "Seniang" bago nag madaling-araw kanina at kailangang lumikas ang may 4,000 mga mamamayan sa pansalamantalang matitirhan.
Sa panayam kay Governor Johnny Pimentel, sinabi niyang napakalakas at walang humpay ang buhos ng ulan sa nakalipas na tatlong araw. May 6,000 katao na ang nailikas.
Umabot ang baha sa taas na limang talampakan o 1.5 metro samantalang sakay ng rubber boats ang mga namumuno sa paglilikas sa mga taong hindi na makalabas ng kanilang mga tahanan.
Nabanggit nang may dalang malakas na ulan si Seniang at pagbugso na aabot sa 80 kilometro bawat oras sa lawak na 300 kilometro. Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 11 kilometro bawat oras at inaasahang babagtas sa Kabisayaan sa susunod na dalawang araw.
Dalawang biyahe ng eroplano mula sa Maynila ang kanselado dahilan sa sama ng panahon. Ang Surigao del Sur ay isang mahirap na lalawigan sa Caraga at isa sa pinakamadalas bahain sa Pilipinas.
Karaniwang dumaraan ang may 20 bagyo sa Pilipinas na karamiha'y mapaminsala.
Samantala, napanatili ni Seniang ang kanyang lakas sa pagkilos nito tungo sa Agusan del Norte.
Ayon sa PAGASA, si Seniang ay may 33 kilometro sa hilagang-silangan ng Butuan City o 30 kilometro sa silangan ng Cabadbaran City kaninang ika-sampu ng umaga. May lakas itong 65 kiloemtro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 80 kilometro bawat oras. Kumikilos ito sa bilis na 11 kilometro bawat oras patungo sa hilagang-silangan.
Tinatayang matindi ang pag-ulan sa may 300 kilometer radius. Saklaw ng Signal No. 2 ang Bohol, Siquijor, Southern Cebu, Negros Oriental, katimugang bahagi ng Negros Occidental, Surigao del Norte, Siargao Island, Agusan del Norte, Misamis Oriental, Camiguin at Agusan del Sur.
Nakataas ang Signal No. 1 sa Leyte, Southern Leyte, Camotes Island, Cebu, Negros Occidental, Guimaras, hilagang bahagi ng Davao Oriental, Davao del Norte, Bukidnon, Lanao del Norte, Lanao del Sur, Misamis Occidental, Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, Compostela Valley at Dinagat Province.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |