|
||||||||
|
||
MAY 53 katao ang nasawi sa pananalasa ng bagyong "Seniang" sa katimugan at gitnang bahagi ng Pilipinas. Mula ang balita sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Ayon kay retired Admiral Alexander Pama, executive director ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, may 53 katao ang nasawi dahil sa baha, pagguho ng lupa at paglubog ng bangka dala ni "Seniang" na tumama sa katimugan at gitnang bahagi ng Pilipinas.
Mas maraming nasawi ngayon kaysa pagdaan ng mas malakas na bagyong "Ruby" kamakailan.
Nagulat na lamang ang pamahalaan sa pagtama ng mas mahinang bagyo na may taglay na hanging 65 kilometro bawat oras at pagbugsong hanggang 80 kilometro bawat oras.
Umabot na sa 27,397 mga pamilta ang apektado sa Western at Central Visayas, Northern Mindanao, Davao at Caraga Regions. Nabatid ring may 40 tahanan ang 'di na magagamit pa samantalang may 77 naman ang napinsala.
Samantala, mula sa pagiging isang tropical storm, isa nang tropical depression si "Seniang." Ayon sa ulat ng PAGASA, si "Seniang" ay nagtataglay na lamang ng hanging umaabot sa 55 kilometro bawat oras at nakita sa may 245 kilometro sa timog-timog silangan ng Cuyo, Palawan.
Kumikilos ito sa bilis na 13 kilometro bawat oras.
Saklaw ng Public Storm Signal Number 1 ang lalawigan ng Palawan na makararanas ng mahina hanggang sa banayad na pag-ulan at pag-bugso ng hangin. Makararanas ang mga naninirahan sa mabababang pook ng posibleng pagbaha at pagguho ng lupa.
Matatapos ang taong 2014 ng mas maraming nasawi dahil sa bagyo kaysa sunog, illegal na pagpapaputok ng baril na karaniwang nagaganap sa bawat bagong taon.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |